discipleship angels

INTERMEDIATE DISCIPLESHIP CLASS LESSON 1 / TAGLISH

Key Verse: Psalms 19:11

“For he shall give his angels charge over thee, to keep thee in all thy ways.” (KJV)

I. LAYUNIN NG ARALIN

Sa pagtatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang:

  • Maiintindihan kung ano ang mga anghel ayon sa Biblia
  • Makikilala ang iba’t ibang uri at tungkulin ng mga anghel
  • Maiiwasan ang maling paniniwala at sobrang pagka-obsess sa mga anghel
  • Mauunawaan na ang Diyos—hindi ang mga anghel—ang dapat sambahin

II. PANIMULA (Introduction)

  • Opening Prayer
  • Icebreaker Question: Itanong sa klase ang “Ano ang karaniwang naiisip mo kapag naririnig mo ang salitang anghel?
  • Maikling Paliwanag ng Guro: Sa panahon natin ngayon, parang uso ang mga anghel—sa libro, pelikula, at social media. Marami ang nagsasabing “Hindi tayo nag-iisa.” Tama iyon—pero kailangan nating malaman kung ano ang sinasabi ng Biblia, hindi ng kultura.

III. PAKSA NG TALAKAYAN (Lesson Proper)

A. ANO ANG ANGHEL? — ISANG TUNGKULIN, HINDI ANYO

Ang salitang anghel ay hindi naglalarawan kung ano sila, kundi kung ano ang ginagawa nila. Sa Lumang Tipan, ang ginamit na salita ay malʾāk na ang kahulugan ay mensahero. Sa Bagong Tipan naman, ang salitang ginamit ay aggelos, na pinaghanguan ng salitang anghel, at may kaparehong kahulugan—mensahero.

Sa Hebreo 1:14 ay sinabing…

“Hindi ba silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na sinugo upang maglingkod para sa ikabubuti ng mga magmamana ng kaligtasan?”

Ang mga anghel ay isinusugo ng Diyos upang ipahayag ang Kanyang kalooban. Hindi sila dumarating upang ipakita ang sarili nila, kundi upang ituro ang Diyos na nagsugo sa kanila.

Sa Malakias 3:1 naman ay sinabing…

“Narito, aking sinusugo ang aking mensahero…”

Mahalagang pansinin na sa talatang ito, ang salitang mensahero o malʾāk ay tumutukoy sa isang taong isinugo ng Diyos, hindi sa makalangit na nilalang. Ipinapakita nito na ang salitang anghel ay tumutukoy sa tungkulin, hindi sa uri ng nilalang.

B. BAKIT WALANG KUMPLETONG LISTAHAN NG MGA ANGHEL SA BIBLIA

Bagama’t maraming beses binanggit ang mga anghel sa Biblia, wala itong ibinigay na kumpletong talaan o ranggo ng mga ito. Hindi ito pagkukulang. Ito ay sadya.

“Ang mga lihim na bagay ay sa Panginoon nating Diyos…” (Deuteronomio 29:29)

Hindi inihayag ng Diyos ang lahat tungkol sa mga anghel upang:

  • hindi tayo maobsess sa kanila
  • hindi natin sila sambahin
  • hindi mawala ang ating focus sa Diyos

Sinabi naman sa Colosas 2:18 na…

“Huwag kayong padaya… sa pagsamba sa mga anghel.”

Ibinigay ng Diyos ang sapat na kaalaman upang sumampalataya at sumunod, hindi upang mag-isip nang lampas sa Kanyang ipinahayag.

C. MGA URI NG MAKALANGIT NA NILALANG (PAYAK NA PAGPAPALIWANAG)

A) Ang Mga Cherubim — Tagapagbantay Ng Kaluwalhatian Ng Diyos. Ang mga cherubim ay hindi cute na sanggol na may pakpak. Sila ay mga makapangyarihang nilalang na itinalaga upang magbantay at magtakip sa kabanalan ng Diyos. Ilan sa kanilang katangian ay:

  • Tagapagbantay ng Eden ayon sa Genesis 3:24
  • Kaugnay ng presensya ng Diyos sa Ark of the Covenant ayon naman sa Exodo 25:22
  • Tagapagdala ng trono ng Diyos sa mga pangitain na binanggit sa Ezekiel 1; 10
  • Tinawag na “cherubim ng kaluwalhatian” sa Hebreo 9:5

B) Ang Mga Seraphim — Mga Sumasamba Sa Trono Ng Diyos. Ang salitang seraphim ay nangangahulugang “nag-aapoy.” Makikita sila sa isang pangitain ni Isaias, nakapaligid sa trono ng Diyos. Sinabi ng Isaias 6:2-3 na…

“Bawat isa ay may tig-anim na pakpak… at sila’y nagsisigawan, ‘Banal, banal, banal ang Panginoon.’”

Ang anim na pakpak ay:

  • dalawa para takpan ang mukha
  • dalawa para takpan ang paa
  • dalawa para lumipad

Ang pagtakip sa mukha at mga paa ay nagpapakita ng lubos na pagpapakumbaba sa harap ng presensya ng Diyos.

Sinabi rin naman sa Isaiah 6:6-7 na…

“Lumipad sa akin ang isa sa mga seraphim… at hinipo ang aking labi.”

Ang paghipo sa labi ni Isaiah ay paglilinis sa kanyang bibig. Ang tunay na pagsamba ay nagpapakumbaba, naglilinis, at naghahanda sa paglilingkod.

C) Ang Mga Anghel (Mensahero) – Mga Tagapaglingkod Ng Diyos Sa Mundo

Ang karaniwang tinatawag na mga anghel sa Biblia ay madalas magmukhang tao at inilalarawan bilang mga “young men.” Walang binabanggit na pakpak para sa kanila sa kabuuhan ng Kasulatan. Ilan sa kanilang mga Gawain ay:

  • Maghatid ng mensahe (Lucas 1:26–38)
  • Magbigay-babala (Genesis 19:1, 15)
  • Magtanggol sa bayan ng Diyos (2 Hari 19:35)
  • Magsagawa ng hatol ng Diyos (Pahayag 8–9)
  • May posibilidad ng pagiging guardian angel ng mga bata (Mateo 18:10)

D. MGA NATATANGING GAWAIN NG ILANG ANGHEL SA BIBLIYA

a) Si Miguel — Ang Tagapagtanggol ayon sa Daniel 12:1. Si Miguel ay tinatawag rin na arkanghel (Judas 1:9) at isa sa mga pinuno ng mga anghel (Daniel 10:13) 

b) Si Gabriel — Ang Tagapaghayag. Si Gabriel ay pangunahing mensahero ng pahayag ng Diyos. Ito ay ayon sa Daniel 9:20-27 at Lukas 1:11-20, 26-38.

c) Mga Anghel Ng Kalikasan O Elemental Angels ayon sa Aklat ng Pahayag o Revelation. May anghel na may kapamahalaan sa hangin kagaya ng bagyo at mga ipo-ipo ayon sa Pahayag 7:1. Meron namang may kapamahalaan sa apoy ayon sa Pahayag 14:18. Meron ding may kapamahalaan sa tubig kagaya ng mga tidal waves at baha ayon naman sa Pahayag 16:5.

D) Mga “Tagamasid” O Watchers ayon sa Daniel 4. Sila ay mga anghel na nagbabantay sa mga kaharian at sa mga pinuno nito. Naghahatid ng hatol kapag ang mga hari at mga kaharian ay lumalagpas sa itinakda ng Diyos sa kanila.

E. BABALA AT PAALAALA

Totoo ang mga anghel. Makapangyarihan sila. Kahanga-hanga sila. Ngunit hindi sila ang sentro ng pananampalataya. Nagbabala ang Biblia na ang ilan ay malilinlang at susunod sa mga espiritung mapanlinlang (1 Timoteo 4:1). Ang mahalagang katotohanan ay ito: Ang Diyos ay higit sa lahat ng anghel. Siya ay higit kahit sa pinagsama samang lakas ng mga anghel. Ang Manlilikha ay higit sa nilikha. Ang pagsamba ay hindi para sa mga anghel kundi para sa Diyos lamang.

IV. APLIKASYON

Mga Tanong sa Pagmumuni:

  • Paano ko pinapanatiling Diyos ang sentro ng aking pananampalataya?
  • May mga paniniwala ba akong nakuha sa kultura tungkol sa mga anghel na hindi pala biblical?
  • Paano ko maipapakita ang pagpapakumbaba sa pagsamba tulad ng mga seraphim?

V. BUOD NG ARALIN (LESSON SUMMARY)

Ang araling ito ay nagturo sa atin ng tamang biblikal na pag-unawa tungkol sa mga anghel—kung sino sila, ano ang kanilang gawain, at higit sa lahat, sino ang dapat sambahin. Natutunan natin na:

  • Ang salitang anghel ay hindi tumutukoy sa anyo, kundi sa tungkulin.
  • Ang mga anghel ay mga mensahero at tagapaglingkod na isinugo ng Diyos upang isagawa ang Kanyang kalooban.
  • Walang kumpletong listahan o ranggo ng mga anghel sa Biblia. Ito ay sadya ng Diyos upang maiwasan ang maling pagsamba, sobrang pagka-obsess, at paglipat ng pokus mula sa Diyos patungo sa Kanyang mga nilalang.
  • Tinalakay din ang iba’t ibang uri ng makalangit na nilalang kagaya ng cherubim at seraphim, maging ang mga arkanghel at pinunong anghel, mga elemental angels, at mga bantay o watchers.
  • Sa huli, binigyang-diin ng aralin ang mahalagang babala: bagama’t totoong makapangyarihan at kahanga-hanga ang mga anghel, hindi sila ang sentro ng pananampalataya. Ang Diyos lamang ang higit sa lahat, at Siya lamang ang dapat sambahin.

V. PANGWAKAS

Sinabi sa Hebreo 1:14 na “Hindi ba silang lahat ay mga espiritung nasa banal na gawain, na sinugo upang maglingkod sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan?” (Pwedeng Memory Verse)

Hindi tayo nag-iisa. Ngunit hindi rin tayo nalilito. Ang Diyos ang naghahari. Ang mga anghel ay naglilingkod. At ang kasaysayan ay nasa Kanyang kamay. Ituon natin ang ating mata sa trono, hindi sa mga pakpak na nasa paligid nito.

\ Get the latest news /

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

PAGE TOP